Papunta ako sa UP-PGH para samahan si Mama at Papa. Bago ako umalis ng bahay, walang naging problema. Sa kalagitnaan ng kahabaan ng Coastal Road, tumawag ang isa sa kasambahay at sinabing apat na beses ng sumuka na ang aking prinsesa. Natakot ako sapagkat naisip kong wala silang kasama sa bahay at naisip ko bakit kung kalian nakaalis na ako. Walang pagdadalawang-isip, bumaba ako sa alanganing lugar para bumalik ng bahay. Para ako mapapraning sa kakaisip anong nangyari. Habang nakasakay sa bus walang tigil akong tumatawag sa kasambahay para kamustahin ang aking prinsesa. Nanghihina ako nang sabihin sa akin na nanghihina at namumutla na siya. Wala akong magawa habang nasa daan kundi ang magdasal at magturo kung paano ba ang dapat gawain. Halos bumagsak ang mundo ko sa takot dahil wala akong magawa. Nang makababa ako sa kanto ng aming subdibisyon, nakiusap ako sa mga tricycle driver para maihatid kame sa ospital. Walang pumayag. Tumutulo na lamang ang luha ko habang karga at tinatakbo ko ang prinsesa kong putlang putla at hinang hina na. Nauwi kame sa pagsakay ng dyip. Gusto kong sigawan ang drayber na halos lahat ng kanto ay tumitigil para magsakay ng pasahero. Trapik! Gusto ko ng lumipad papunta ng opsital.
Nang makarating na kame sa ospital, nabigyan naman nang unang lapat ang aking prinsesa. Nakaluwag na din ako ng hininga kahit papaano dahil alam kong may mas nakaalam na sa dapat na gawin sa aking prinsesa. Mabusisi ang pagtatanong sa nakain. Ang tangi naalala ko lamang ay ang sandwich spread at tinapay na halos tatlong kagat lamang ang nabawas. Noong nagdesisyon na akong ipa-admit siya sa ospital, tahimik na luha lamang ang tumulo sa aking mukha sapagkat hindi ko maaaring ipakita sa aking prinsesa na mahina ako. Matapang siya, hindi siya umiyak sa dextrose, ngunit nang kukunan na siya ng dugo halos sigawan ko ang nurse dahil ang mailing ulit niyang itinusok ang karayom sa manipis n braso ng aking prinsesa. Umalingawngaw ang iyak sa napakasakit na tusok na natamo nag aking prinsesa. Nang maiakyat na kame sa aming kwarto, nakapagpahinga na ang aking prinsesa at pakiwari ko sa kanyang kilos ay walang nangyari. Sa ‘twing may papasok n nakaputi halos mapunit ang damit ko sa paghila ng prinsesa ko sa takot na syay tutusuking muli. Awa ang nararamdaman ko na kung maaari lamang na ibigay na sa akin ang lahat nang sakit na nararamdaman nya kahit doble pa ay tatanggapin ko, wag lang sya ang masasaktan.
Sa dami ng mga eksaminsyon na ginawa, walang nakitang problema. Ang tanging nasabi ay hindi natunawan sa hindi matukoy na pagkain. Nang payagan na kaming makalabas, hindi ako tumigil. Dumeretso kami sa magtatawas na kakilala naming. Hindi ako nagsambit na mayroon akong pinaghihinalaan na “nakabati” sa kaniya. Nang matapos ang pagtutunaw ng kandila, sinabi ng magtatawas na may “nakabati” sa kaniya na isang matabang babae abot-balikat ang buhok at hindi mawari kung buntis dahil malaki ang tiyan. Halos bumagsak ako sa kinakauupuan kong nang tumugma ang hitsura ng babaeng tinutukoy ng “tawas” sa taong naiisip kong posibleng “nakabati” sa kaniya. Kung alam ko lamang na isang laway lang ang katapat, ay hindi ko na sana hinayaang masaktan ang aking prinsesa ng paulit-ulit hanggang magkaroon ng trauma sa mga nurse. Pero naisip ko na tama na lang din para makasiguro na wala nga talagang problema sa kaniyang kalusugan.
Bago matulog naisip ko ano ang gustong iparating na mensahe sa atin. Simple lamang. Mahalin natin nang parang walang bukas ang mga mahal natin su buhay. Ipakita at sabihin kung gaano sila ka importante at gaano natin sila kamahal dahil sa isang pitik Niya lamang, maaring mawala sa atin ng parang bula ang mga importanteng bagay sa buhay natin.